Abante Tonite Interactive

4 na 14-anyos nandukot ng cellphone, arestado

726

Dinampot ng pulisya ang apat na 14-anyos, dalawa ay dalagita, nang dukutin ang cellphone ng isang babae sa Brgy. 308 sa Quiapo, Maynila.

Naglalakad umano ang biktimang si Ela, hindi tunay na pangalan, nang sabayan ng mga suspek pasado alas-otso nang gabi. Huli na nang mapansin nito na nawawala ang kanyang cellphone at P500 sa kanyang back pack.

Kaagad nagreklamo si Ela sa himpilan ng pulisya at sa tulong ng closed-circuit television (CCTV) nakilala ng mga awtoridad ang mga menor de edad.
Inaresto ang mga kabataan sa mismong lugar kung saan nila dinukutan ang biktima. Inamin ng mga ito ang pandurukot sa biktima.

Base sa record ng pulisya, una nang naaresto ang apat na kabataan dahil sa pandurukot pero pinalaya rin. Dinala sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Deve­lopment ang apat.

Nabawi naman ang cellphone ni Ela matapos ituro ng suspek kung kanino nila ito ibinenta. (Juliet de Loza-Cudia)