Abante Tonite Interactive

4 na bagong testigo may pasabog sa BuCor scam

0 323

Apat pang mga bagong testigo ang nakatakdang lumutang ngayong araw sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) at iba pang anomalya sa Bureau of Corrections (BuCor).

Sa panayam kahapon, sinabi ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na pitong subpoena ang kanyang nilagdaan at kabilang sa mga ipinatawag ay mga dating preso at kawani ng BuCor.

“Merong dating inmate, merong mga da­ting BuCor officials. We expect them to be able to tell everything that has happened in the Bureau of Corrections since before up to the present,” ayon kay Sotto.

Aniya pa, isa sa mga inisyuhan ng subpoena ay magpapalipas na ng gabi sa Senado para makadalo sa pagdinig ngayong Huwebes.

Sinabi ni Sotto na ilalahad ng apat na mga bagong testigo ang kanilang mga nalalaman tungkol sa pagpapalaya ng mga preso batay sa GCTA gayundin ang ‘hospital pass for sale’ sa New Bilibid Prison.

Umaasa naman si Sotto na matatapos na ang pagdinig ngayong Huwebes para makapagsumite na aniya ng committee report ang Blue Ribbon at Senate Committee on Justice sa plenary. (Dindo Matining)