Abante Tonite
Mabilis sa Balita

4 nasawi sa Calabarzon raid hirap makuha ng kaanak

0 366

Nahirapan ang mga kamag-anak ng apat sa siyam na nasawi sa madugong operasyon sa Calabarzon, na makuha ang bangkay ng mga ito sa punerarya, makaraang pigilan diumano ng pulisya at militar.

Ayon kay Mark Hizon ng Karapatan Southern Tagalog, magdamag na nakabantay ang mga kaanak ng mga nasawing sina Melvin Dasigao, Mark Lee Bacasno, Randy Dela Cruz, at Puroy Dela Cruz, sa labas ng Antipolo Memorial Homes upang makuha ang labi ng kanilang mga mahal sa buhay at para na rin mabigyan ng maayos na lamay at libing.

“Bayad na po lahat ng fees, kumpleto na po lahat ng fees, bayad na namin. Tapos na-process na po lahat ng dokumento, may resibo na nga po’t lahat-lahat,” pahayag ni Hizon.

“Ngayon po, may dumating na mga kapulisan dito. Ang binabanggit nila, si mayor daw ng Tanay, gusto raw siya ‘yung magbayad no’ng fees tapos sila ‘yung mag-ayos ng punerarya tapos maghahatid sa lugar kung san ibuburol. Ang nangyari po, tumagal po ‘yung naging proseso, na-delay nang na-delay,” dagdag ni Hizon.

Hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay nasa punenarya pa rin ang bangkay ng apat.

Tinanggi naman ng mga awtoridad na pinipigilan nito ang mga kaanak na makuha ang mga labi. Anila, iniiwasan lang umano na magkaroon ng paglabag sa health protocol. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.