Abante Tonite Interactive

4 pang pulis-QC sinibak kay ‘Tisoy’

By
783

Dahil sa pagkamatay ni Genesis ‘Tisoy’ Argoncillo sa loob ng selda, apat pang pulis ang sinibak sa puwesto, kabilang ang kanilang hepe sa Police Community Precinct (PCP) 3 ng Quezon City Police District (QCPD).

Batay sa ulat ni QCPD director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang mga sinibak na hepe ay si Senior Inspector Cyril Dagusen ng PCP 3 ng QCPD Station 4 at ang tatlong tauhan nito na sina PO1 Ruel Tubat, PO1 Paulo Lopez Jr. at PO1 Paul Hector Calderon.

Inilipat muna sila sa District Headquarters Support Unit sa Camp Tomas Karingal, Quezon City.

Paliwanag ni Esqui­vel, sinibak ang apat dahil sa pag-aresto, pagkulong at pagkamatay ni Argoncillo.

Matatandaang ina­resto si Argoncillo dahil umano sa kasong alarm and scandal noong Hun­yo 15 at ikinulong sa Novaliches Police Station 4 kung saan ito nasawi.

Nabatid na isinasailalim na ngayon sa Pre-charge Evaluation ang apat na pulis para matukoy ang kanilang “administrative liability” dahil sa pagkamatay ni Argoncillo sa loob ng selda.

Una nang sinibak ni Esquivel ang hepe ng Novaliches Police Station 4 na si Supt. Carlito Grijaldo dahil din sa pagkamatay ni Argoncillo na limang araw pa lamang na nakakulong sa kanilang selda.