Abante Tonite Interactive

4 patay, mga na-trap hinahanap

383

Hindi pa man nakakarekober sa trauma na kanilang naranasan sa tatlong malalakas na lindol noong Oktubre, muli na namang binalot ng takot ang mga mamamayan ng Mindanao dahil sa magnitude 6.9 lindol na tumama sa Davao del Sur nitong Linggo ng hapon.

Wala pang opisyal na kumpirmasyon pero batay sa mga inisyal na ulat, apat katao na diumano ang nasawi sa lindol.

Kabilang dito ang 6-anyos na batang babae na nadaganan ng pader nang gumuho ang kanilang tahanan sa Matanao, Davao del Sur, ayon kay Mayor Vincent Fernandez sa radio interview kaha­pon.

Sa isa pang pana­yam, inihayag naman ng Bureau of Fire Protection (BFP) na may tatlong katao ang nasawi nang gumuho ang may tatlong palapag na supermarket sa bayan ng Padada.

May mga vendor na na-trap ng gumuhong pader sa palengke pero na-rescue rin agad. Pero patuloy ang search and rescue operation sa mga guho. Kabilang sa mga tumutulong sa paghahanap ng mga biktima na posibleng na-trap sa mga guho ay mga volunteer ng Phili­ppine Red Cross.

Naramdaman din ang lindol sa Kidapawan City, Gene­ral Santos City, Sarangani,­ Koronadal, Davao City, Cotabato, Bukidnon,­ Caga­yan de Oro City, Dipolog City, at Zam­boanga del Sur.

Nagkataong Linggo ng mangyari ang magnitude 6.9 lindol kaya matao sa mga mall.

Nag-panic ang mga tao sa loob ng Gaisano Mall at Victoria Plaza sa Davao at nagtakbuhan palabas habang lumilindol. Ilang empleyado ng mga nabanggit na mall ang iniulat na nasaktan at dinala sa ospital. Nagkaroon din ng mga crack sa gusali ng Gaisano.

Samantala, humihingi­ na ng tulong si Mayor Fernandez para sa kanyang mga kababayan na apektado ng lindol katulad ng trapal, lona, tubig at iba pang pangangailangan ng mga residente na nasa mga evacuation center mula pa nang magkaroon ng tatlong malalakas na lindol na sinundan ng mga aftershock noong Oktubre.

Oktubre 16 nang yanigin ng magnitude 6.3 ang Mindanao. Sinundan ito ng magnitude 6.6 noong Oktubre 29. Pangatlo ang magnitude 6.5 noong Oktubre 31. Pawang sinundan ang mga nabanggit na major earthquake ng mga aftershock.

Digong ligtas sa lindol
Agad nagbigay ng pahayag ang Malacañang hinggil sa kala­ga­yan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng pamilya nito sa Davao City matapos ang lindol.­
“He is OK. He and his daughter Kitty were in their house when the quake struck,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Wala sa kanilang tahanan ang partner ng Pangulo na si Honeylet Avanceña dahil pauwi pa lang umano ito nang maganap ang lindol.
“She said her car was swaying. She is unhurt,” ani Panelo.

Inihayag pa nito na pinakilos na ang lahat ng ahensiya ng gobyerno para tugunan ang mga pangangailangan ng mga apektado ng panibagong lindol sa Davao.

Umapela rin ang Malacañang sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga maling­ impormasyon na maaaring magdulot ng alarma at panic sa mga apektadong lugar. (Tina Mendoza/Prince Golez)