Abante Tonite Interactive

4 pulis-Cagayan sibak sa hulidap

524

Dinisarmahan na ang apat na pulis sa Gattaran, Cagayan matapos sibakin sa kanilang puwesto dahil sa pagkakasangkot sa hulidap.

Ayon kay Police Col. Ariel Quilang, officer-in-charge ng Cagayan Police Provincial Office, inilagay sa restricted custody ang apat na pulis na may ranggong sarhento at corporal habang isinasailalim sa karagdagang imbestigasyon.

Sabi ni Quilang, isang barangay chairman na hinuli ng apat na pulis ang magsasampa ng kasong robbery laban sa mga ito bukod pa sa kakaharaping kasong administratibo.

Aniya, inaalam na rin nila kung matagal nang ginagawa ng nahuling apat na pulis ang iligal na aktibidad.

Nag-ugat ang insidente sa entrapment ope­ration ng apat na pulis sa isang barangay chairman noong Biyernes dahil sa pag-iingat umano nito ng walang lisensiyang baril.

Ayong kay Quilang, hindi idineklara ng mga suspek na pulis ang motorsiklo na sinamsam mula sa barangay chairman maging ang sapatos nito at nakuhang pera sa entrapment operation. (Allan Bergonia)