Abante Tonite Interactive

4 senior citizen gumaling sa coronavirus

614

Good news!

Iniulat ng Department of Health (DOH) na limang pasyente ang nakarekober mula sa pagkakasakit sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at apat sa mga ito ay pawang senior citizen o nasa 69 pataas ang edad

“This brings the total number of recoveries to 13,” ayon sa inilabas na bulletin ng DOH alas-kuwatro ng hapon ng Sabado.

Kabilang sa gumaling si Patient 41, 75-anyos na babaeng mula sa Makati City na napag-alaman na bumiyahe dati sa Amerika at na-expose sa mga COVID-19 case.

Ayon sa DOH, nagpositibo sa virus si Patient 41 noong Marso 11 subalit nakalabas din agad ng ospital noong Marso 17.

Si Patient 16 naman ay 70-anyos na lalaki mula sa San Juan na may high blood. Nakalabas na ito ng ospital noong March 19.

Ang dalawa pang senior citizen ay nakarekober sa COVID-19 nitong nakaraang linggo lamang.

Ang isa pang gumaling ay ang 69-anyos na babaeng tinawag na Patient 17 at asawa ng isa pang tinamaan ng virus na si Patient 11.

Nakitaan umano ng mga sintomas ng COVID-19 ang 69-anyos na babae noong Marso 2 at nakumpirmang may virus ito noong Marso 9. Nakalabas na ito ng ospital noong Huwebes, Marso 19.

Samantala, gumaling din si Patient 49, ang 72-anyos na lalaking mula sa Batangas na lumabas ng ospital nitong Sabado, Marso 21, lamang.

Itinuturing na magandang balita na gumaling ang apat na pasyenteng senior citizen dahil mga matatanda ang pinakamadaling dapuan ng COVID-19.

Ayon sa DOH, ang mga matatanda na nasa 66-anyos pataas at ang mga may sakit na ang madaling mahawa sa virus,

Samantala, inanunsyo rin ng DOH na mayroong 77 bagong kaso ng tinamaan ng COVID-19 dahilan para umakyat sa 307 ang bilang ng mga kumpirmadong may virus sa Pilipinas batay sa pinakahuling tala nila alas-kuwatro ng hapon ng Sabado.

Kinumpirma rin ni Health Secretary Maria Rosario Vergeire na nadagdagan din ng isa ang mga pasyenteng nasawi sa COVID-19 at umabot na ang bilang nito sa 19 katao. (Juliet de Loza-Cudia)