Abante Tonite
Mabilis sa Balita

4 sundalo patraydor nirapido

0 747

Ni Nancy Carvajal

Hindi lamang tinaniman ng ebidensiya kundi patraydor din na pinagbabaril ang apat na sundalong napatay ng siyam na pulis sa Jolo, Sulu noong Hunyo 29, batay sa National Bureau of Investigation (NBI).

“The soldiers have gunshot wounds at the back, abdomen and extremities,” ayon sa NBI Medico Legal Division report.

Sinabi pa sa ulat na nakakuha ng 34 na mga basyo ng bala sa crime scene na nag-match sa inisyung mga baril sa siyam na pulis na sangkot sa insidente. Karamihan sa mga ito ay mula sa 5.56 assault rifle at 9mm handgun.

Pinakamaraming tama ng bala si Major Marvin Indamog, ang commander ng 9th Division Intelligence Group ng Philippine Army sa Jolo. Walong tama ng bala ang tinamo nito.

Nagtamo naman ng tatlong tama ng bala sa likod si Captain Irwin Managuelod, tatlo sa likod at katawan kay Sgt. Jaime Velasco Jr.

Hindi naman naisailalim sa autopsy ang mga labi ni Cpl. Abdal K. Asula dahil agad itong inilibing batay na rin sa tradisyon ng Islam.

Nalaman din sa NBI forensic investigation na hindi ipinutok ng apat na sundalo ang kanilang mga baril taliwas sa pahayag ng mga pulis na nagkaroon ng shootout. Hindi nakitaan ang mga labi ng apat na biktima ng nitrate residue na ibig sabihin ay negatibo ang mga ito sa paraffin test.

Una nang sinabi ng isang source sa NBI na batay sa kanilang mga testigo, isang rifle ang ipinutok ng isang pulis bago inilagay malapit sa bangkay ng isa sa mga napatay na sundalo.

Inilagay na sa restrictive custody sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame ang siyam na pulis habang nag-iimbestiga pa ang NBI.

Kinilala ng PNP ang mga ito na sina Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri; Master Sergeant Hanie Baddiri; Staff Sergeant Iskandar Susulan;

Staff Sergeant Ernisar Sappal; Corporal Sulki Andaki; Patrolman Moh. Nur Pasani; Staff Sergeant Almudzrin Hadjaruddin; Patrolman Alkajal Mandangan; at Patrolman Rajiv Putalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.