Abante Tonite Interactive

4 suspek sa yumaring Arellano student, timbog

450

Natimbog na ng awtoridad ang mga suspek sa pagpatay sa Arellano University student na ang bangkay ay nadiskubreng nakasilid sa storage box sa Biñan City, Laguna.

Ayon kay Police Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan City Police batay sa kuha ng CCTV, nakainuman pa ng biktimang si Carl Laurence Demerey ang mga suspek na sina Najir Macaorao y Ampuan, Abdul Gaus y Canapia at Esmael Sultan sa Kainan sa Nepa resto bar sa national highway, Brgy. San Vicente, Biñan City noong gabi ng Hunyo 2, isang araw bago ito mawala at natagpuang patay kinabukasan.

Lumalabas na iniwan ng kanyang mga kasamang LGBT ang biktima sa bar at nakipag-inuman sa mga suspek hanggang umaga ng Hunyo 3 kung saan nakita sa CCTV na sama-samang umalis ang mga ito sa lugar.

Araw nang Martes, Hunyo 4 nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa masukal na bahagi ng Brgy. Canlalay na nakasilid sa plastic storage box.

Sa imbestigasyon, pinatay umano ang biktima sa inuupahang bahay ng suspek na si Gaus matapos ang pakikipag-sex sa mga ito.

Pagnanakaw ang sinasabing motibo sa krimen at humantong ito sa pagsisilid ng bangkay sa box dahil umano sa kabangagan sa droga. (Ronilo Dagos)