Abante Tonite
Mabilis sa Balita

4 tigok sa Caloocan jail riot

0 77

Apat na Person Deprived of Liberty (PDL) ang nasawi habang mahigit 30 naman ang nasugatan nang sumiklab ang isang riot sa loob ng Caloocan City Jail nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga namatay na presong sina Arturo Biasa at Hans Omar, kapwa miyembro ng Commando Gang; Sherwin Perez at John Patrick Chicko, na miyembro naman ng Sputnik Gang.

Habang tinatayang nasa mahigit 30 PDL na hindi pa pinangalanan ang nasugatan sa insidente.

Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson JSUPT Xavier Solda, pasado alas-4:00 ng hapon, kahapon, nang magsimula ang kaguluhan sa nasabing piitan.

Base sa inisyal na imbestigasyon, naglalaro ng cara y cruz ang mga bilanggo nang magkagulo at nang magresponde ang mga nakatalagang jail guard ay tumambad na sa kanila ang apat na presong duguan nang nakabulagta.

Agad namang nakontrol ang sitwasyon sa loob ng kulungan ng mga nagrespondeng Special Tactics and Response Team ng BJMP-NCR, kabilang na ang mga kapulisan mula sa Northern Police District.

Samantala, ipinag-utos naman ni BJMP Chief Jail Director General Allan Iral ang pagsasagawa ng imbestigasyon para mabatid ang naging ugat ng riot.

Inaalam pa rin ng BJMP ang pagkakakilanlan ng mga PDL na malubhang nasugatan at mga mula sa Commando at Sputnik gang.

Sa kasalukuyan, nagdagdag na ang BJMP ng karagdagang mga tauhan sa Caloocan City Jail na nanatili ngayong nasa heightened alert status. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.