Abante Tonite Interactive

4 timbog sa ₱13M robbery sa PR agent

517

Timbog sa mga operatiba ng Quezon City Police District ang apat na suspek sa pagnanakaw sa condominium unit PR agent na kaibigan nina Sen. Manny Pacquiao at Vice Ganda noong Hulyo 25.

Kinilala ang mga suspek na sina Jimwell Bondoc, 27; Eric Eulogio, 44; Pierre Lance Lansang, 28; at April Kyle Gonzales, 21.

Dahil dito ay nabawi ang mga ninakaw na mamahaling gamit ng biktimang si Bernard Cloma, 51-anyos, tulad ng mga alahas, relo at bag.

Una nang nagreklamo si Cloma na pinasok at pinagnakawan ang dalawang unit niya sa Tower C Condominium na matatagpuan sa Mother Ignacia Avenue, Quezon City kung saan umabot sa P13 milyon kabuuang halaga ng pera at mga kagamitan ang natangay sa kanya.

Natuklasan ni Cloma ang naganap na pagnanakaw pag-uwi niya galing sa Las Vegas sa Amerika kung saan nanood siya ng laban ni Pacquiao kay Keith Thurman noong Hulyo 21.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, inginuso sa kanila ng isang guwardiya ang suspek na si Bondoc na nangungpahan ng unit sa Tower A ng nasabing condo.

Sa patuloy na imbestigasyon, natunton ang mga suspek at nadakip dakong alas-2:30 nang hapon noong Agosto 4 sa kanilang pinagtataguan sa isang hotel sa Tomas Morato Avenue, Brgy. South Triangle.

Nakumpiska sa kanila ang isang 9mm caliber pistol at nahulihan din ng ilang gramo ng shabu.

Nabatid na si Cloma ay isang concert producer at PR consultant na sinasabing kaibigan nina Pacquiao at Vice Ganda. (Dolly Cabreza)