Abante Tonite Interactive

4 tulak nasakote sa apartelle

0 347

Timbog sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang walong kalalakihan na dumano’y nagtutulak ng droga matapos mabitag ang mga ito sa buy-bust operation na isinagawa sa isang apartelle, Lunes ng hapon.

Base sa inilabas na ulat ng QCPD Public Information Office, sinabi ni Brig. Gen. Ronnie Montejo na nasakote ng mga tauhan ng Kamuning Police Station 10, na pinamumunuan ni Lt. Col. Louise Benjie Tremor, ang mga suspek na kinilalang sina Francis Sibal, 37; ng Bamban Tarlac; Jacob Yassin, 24, ng Brgy. Sangang Daan, Quezon City; Eljhun Gandia, 26, ng Marikina City; at Lear Joy Mancao, 20, ng Brgy. San Bonifacio, San Manuel, Pangasinan.

Ayon sa ulat, ikinasa ng mga pulis ang buy-bust operation at nagkasundo na gawin ang transaksyon sa loob ng isang apartelle na matataguan sa E. Rodriguez Avenue corner Balite Drive, Brgy. Kristong Hari na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek.

Bukod sa nasamsam na mahigit P40,000 halaga ng shabu at nabawi na buy-bust money nahulihan din ang mga suspek ng isang Colt Mk 1V Series 80 caliber .45 na kargado ng anim na bala, isang timbangan, at dalawang cellphone.

Dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya at kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.