Abante Tonite Interactive

4 tulak timbog, 5M shabu nasamsam sa Pampanga

323

Apat na suspek sa pagtutulak ng droga ang nasakote sa buy-bust operation ng pulisya at nasamsam sa kanila ang mahigit P5 milyong halaga ng shabu sa San Fernando City, Pampanga Sabado nang gabi.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Acmali Francisco alyas ‘Balbas’, 26; Mohammer Haji Ganda, 26; at Jalaj Mauyag, 25, pawang mga high value target umano sa iligal na droga at mga nakatira sa Brgy.

Sangandaan, Quezon City; at isang Michael Evance Villacorta, 35-anyos, na nasa drug watchlist naman umano ng San Fernando City Police Station at nakatira sa Brgy. San Isidro sa nasabing lungsod.

Sa ulat ng Police Regional Office 3, dakong alas-9:30 nang gabi ikinasa ang buy-bust operation sa kahabaan ng Bypass Road sakop ng Brgy. Sindalan matapos ang ilang araw na surveillance operation laban sa mga suspek.

Matapos magkapalitan ng pera at iligal na droga ay mabilis na dinakma sila ng mga pulis.

Nakuha rin sa kanila ang umaabot sa 810 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P5,508,000, isang baril na 9mm caliber at mga bala nito, at dalawang kotse na ginamit sa iligal na transaksyon. (Edwin Balasa)