Abante Tonite Interactive

4 tulak timbog sa Fairview

390

Swak sa buy—bust operation ang apat na suspek sa iligal na droga na nahulihan ng P680,000 halaga ng shabu, mga baril at bala sa Brgy. Kaligayahan, Quezon City, Linggo nang madaling-araw.

Base sa ulat, kinilala ni Quezon City Police District director Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga suspek na sina Michael Macalma, 35, at Vanessa Bayani, 28, parehong nakatira sa Brgy. Kaligayahan; Michael Joe Barriga, 24, taga-Brgy. Pasong Putik; at Allan Remolacio, 45, ng Brgy. Roxas District, pawang sa nasabing lungsod.

Isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit ng Fairview Police Station 5 ang buy-bust operation dakong ala-una nang madaling-araw sa panulukan ng Flamingo at Malipaca Street sa Brgy. Kaligayahan kung saan dumating umano ang mga suspek na sakay ng isang Honda Civic na may plakang TGZ 866.

Nahulihan sila ng 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000, walang lisensiyang baril na caliber .38 S&W revolver na walang serial number at apat na bala nito, at isang improvised shotgun na kargado ng dalawang bala.

Kinumpiska rin sa mga suspek ang isang cellphone at ang gamit nilang sasakyan.

Tonite – Wendys Inhouse Ad