Abante Tonite Interactive

4 Vietnamese namingwit ng P185K damit sa H&M

549

Arestado ang apat na turistang Vietnamese matapos maaktuhan ng mga security guard ng isang ‘high-end department store’ na nang-umit ng mamahaling mga damit kamakalawa ng gabi sa Greenbelt sa Makati City.

Kinilala ni Police Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang inarestong dayuhan na sina Doan Sy Trong, 37; Dao Thi Thuy Trang, 39, Le Thi Ngoc Lan, 37, kapwa babae, at Nguyen Thanh Tung, 21, pawang mga nanunuluyan sa Vietnam Embassy sa no. 670 Ocampo St., Malate, Maynila.

Sa report ni Simon, alas-9:00 ng gabi nang pumasok sa loob ng H&M Store sa Greenbelt 4 Mall, Ayala Center sa Barangay San Lorenzo, ang dalawa sa mga suspect at saka naghiwalay.

Wala naman silang binili sa mall pero paglabas ay may bitbit nang isang malaking bag na naglalaman ng mga mamahaling damit.

Sa labas ng department store, inilipat ng mga suspect ang kanilang mga ninakaw na damit sa isang luggage bag.

Ngunit dahil sa kahina-hinalang kilos, sinundan sila ng mga security guard at naaktuhan ang kanilang ginagawa dahilan ng kanilang pagkakaaresto.

Ayon kay Simon, umabot sa P185,697 ang halaga ng mga damit na kinuha at narekober sa mga suspect.

Sa ngayon ay nakakulong sa detention cell ng Makati City Police ang apat
at sasampahan ng kasong Theft sa Makati City Prosecutor’s Office. (Armida Rico)