Abante Tonite Interactive

40 BOC personnel sinabon ni Duterte sa Malacañang

316

Pinagsasabon ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte kahapon sa Malacañang ang mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) na inilagay sa floating status dahil sa isyu ng katiwalian.

Lunes ang unang schedule sana para sa pakikipagkita ng 64 na kawani ng BOC kay Pa­ngulong Duterte subalit hindi ito natuloy dahil may aktibidad ang Presidente sa Mindanao.

Ayon sa Malacañang source, 52 ang ipinatawag kahapon kung saan 40 lamang ang sumipot habang nasa 12 opisyal at kawani ang hindi tumugon sa tawag.

Ang mga ipinatawag ay yaong may mga kinakaharap na kasong administratibo. Kakasuhan din umano ang mga ito sa Ombudsman dahil sa pagkakasangkot sa anomalya.

Ang hakbang ni Pa­ngulong Duterte na ilagay sa floating status ang mga kawani ng BOC ay bilang bahagi ng paglilinis sa ahensya na balot umano ng anomalya.

Matatandaang ini­hayag ng Pangulo na dalawa lamang ang opsyon ng mga ipinatawag sa Malacañang, ang magbitiw ang mga ito sa puwesto o harapin ang kasong isasampa laban sa mga ito. (Aileen Taliping)