Abante Tonite Interactive

400 NFA employee apektado ng Rice Tariffication Law

255

Aabot sa 400 mga empleyado ng National Food Authority (NFA) ang maaapektuhan ng nakatakdang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law matapos na mapirmahan ang Implementing Rules and Regulation (IRR) nito.

Ito ang inamin ni NFA OIC Administrator Tomas Escares nang tanungin ng mamamahayag.

Una nang napaulat na aabot sa 400 mga empleyado ng NFA ang maaapektuhan ng nasabing batas partikular ang mga may kinalaman sa regulatory, licensing, registration at monitoring ng ahensya.

Gayunman, sini­guro ni Escares sa mga empleyado ng NFA na magagawan nila ito ng paraan para magpatuloy ang kanilang pagtatrabaho.

Nabatid pa kay Escares na dumadaan na sila ngayon sa restructuring sa tulong ng Governance Commission for GOCCs pero tuloy pa rin umano ang serbisyong kanilang ibinibigay sa mga magsasaka.

Aniya, kahit wala na ang mga regulatory power ng NFA sa pag-aangkat at pagbebenta ng bigas dahil sa bagong batas ay maiiwan naman sa kanila ang responsibilidad sa pagsiguro na mayroong sapat na buffer stock ng bigas ang bansa.

Nabatid na ang tinutukoy na regulatory power ng NFA ay ang kapangyarihan nitong i-regulate ang pag-aangkat at pagbebenta ng bigas sa pamamagitan ng pagbibigay ng lisensya sa mga retailer at wholeseller o lahat ng may kinalaman sa grain industry.

Sa isyu nang pagbuwag ng NFA, sinabi ni Escares na hindi ito maaaring mangyari dahil sa bawat bansa sa buong mundo ay mayroong ahensya na nakatutok sa pambansang seguridad sa pagkain at ang NFA lamang ang responsable sa Pilipinas.

Posibleng baguhin umano ang pangalan ng NFA pero depende ito sa mga policymaker ng bansa. (Riz Dominguez)