Abante Tonite Interactive

497 Pinoy sa cruise ship pagkakasyahin sa ‘kaldero’ ni Alan

423

Tinatayang aabot lamang sa 497 Pilipino sakay ng cruise ship Diamond Princess ang maiuuwi sa bansa sa Linggo, Pebrero 23.

Ayon kay Health Asst.Secretary Ma. Rosario Vergeire, wala silang ibinigay na oras para sa pagdating sa bansa ng mga susunduing mga Pilipino sa Japan.
Dadalhin umano sa Japan Airport ang mga Pinoy at isa- isa umanong isasailalim sa assessment at kung makikitaan ng sakit ay hindi sila pauuwiin sa halip ay ididiretso sa pagamutan.

Isasakay umano sila sa da­lawang chartered plane at ibababa sa Haribon bago dadal­hin sa quarantine site.

Katulad din ng ginawa sa 30 Pinoy repatriate sa Hubei, China ang gagawin sa mga darating na Pilipino kung saan 16 medical team ang manganga­laga sa kanila.

Tiniyak naman ni Vergeire na kayang i-accomodate sa New Clark City na binansagang ‘kaldero’ ni House Speaker Alan Peter Cayetano ng mga repatriate na darating sa bansa.

Samantala, pinawi ng Malacañang ang pangamba at agam-agam ng publiko kaugnay sa pag-uwi sa bansa ng 497 na mga Pilipino mula sa Japan na isinailalim sa quarantine kaugnay sa coronavirus disease o COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang dapat na ipag-alala ang publiko dahil nakahanda na ang mga safety protocol ng gobyerno para sa kaligtasan ng lahat. (Juliet de Loza-Cudia/Aileen Taliping/Prince Golez)