Abante Tonite
Mabilis sa Balita

498 bomba pinasabog sa Tarlac

0 91

Aabot sa 498 iba’t ibang klase ng bomba, kabilang na ang mga aerial bomb, vintage, mortar, at grenade, ang sabay-sabay na pinasabog sa Crow Valley Gunnery Range sa Capas, Tarlac nitong Biyernes.

Pinangunahan ni Col. Bartolo Magleo, hepe ng Explosive Ordnance Disposal-Regional Explosive and Canine Unit (EOD-RECU), ang pagpapasabog sa mga nakumpiska at narekober na mga bomba at paputok na naglalayong mai-dispose ang mga ito dahil na rin sa kalumaan at expired na bomba na maaaring magdulot ng pinsala kapag mas pinatagal pa o naka-display.

“For safety na rin kaya nagsagawa tayo ng bomb disposal. Maraming recovered vintage bomb ang naipon na at kailangan nang i-dispose, maging ang nasasabat na mga illegal firecracker ay isinama na rin.”

Naganap ang bomb disposal bandang alas-10:00 Biyernes ng umaga kung saan pinalayo ang lahat nang may 300-meter radius para walang maapektuhan sa magaganap na pagsabog.

Saad ni Magleo sa publiko, kapag may nakitang bomba, lalo na ang mga vintage bomb, ay ipagbigay-alam sa EOD-RECU upang mailagay agad sa ligtas na lalagyan.

Babala pa niya, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdi-display at pagbebenta ng mga bomba – may laman man o wala na kadalasang makikita sa mga junk shop – dahil delikado pa rin aniya ang mga ito. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.