Abante Tonite Interactive

5.5 milyong bata babakunahan kontra polio

197

Target ng Department of Health (DOH) na mabakunahan kontra polio ang may 5.5 milyong bata sa bansa.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na plano nilang palaganapin ang polio vaccination sa National Capital Region (NCR), Region 3 o Central Luzon, at Region 4-A o Calabarzon.

Ayon kay Duque posible umano kasing tumaas ang insidente ng poliovirus dahil na rin sa kinakitaan nito ang sewage o wastewater sa Manila.

“While there has been no reported polio case in recent years, in 2019 two samples taken from a sewage in Manila tested positive for VDPV or vaccine-derived polio virus. If we do not take appropriate actions now, polio will return,” ayon kay Duque.

Nabatid na ang bansa ay idineklarang polio-free noong 2000.

Nabatid na ang mga kabataan nasa edad 15-an­yos pababa ang maaring maapektuhan ng polio virus.

Karaniwan umanong sintomas ng polio ay lagnat, pagtatae, pagkahilo o pananakit ng kalamnan.

Ang polio ay maaring magresulta ng pagkaparalisa ng isa o parehas na binti o maging ng kamatayan.

Samantala, kinumpirma kahapon ng DOH ang ikalawang kaso ng poliovirus sa Laguna kung saan isang 5-anyos na batang lalaki ang tinamaan umano ng nasabing sakit.

Nabatid na Agosto 25 nang makitaan ng sintomas ng poliovirus ang bata at patuloy itong mino-monitor.

Naunang naitala ang unang kaso ng poliovirus sa Lanao del Sur kung saan isang 3-anyos na batang babae ang nakitaan ng poliovirus type 2.

Dahil dito, hinikayat ng DOH ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak partikular na iyong mga nasa edad na limang taong gulang pababa para makaiwas sa polio.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexei Nograles na inaasahan aniyang matatalakay sa susunod na cabinet meeting ang hinggil sa sakit na polio at tiyak aniya na magpepresenta ni Secretary Duque ng mga dapat gawin.

Aminado si Nograles na bumaba ang bilang ng mga nagpabakuna nitong mga nakalipas na taon kaya nanawagan ito sa mga magulang na suportahan ang vaccination program ng gobyerno. (Juliet de Loza-Cudia/Aileen Taliping)