Abante Tonite Interactive

5 adik naaktuhan sa pot session

By
0 120

Kulungan ang bagsak ng limang adik matapos na isumbong sa mga awtoridad ng kapitbahay ang ginagawa nilang pot session sa Brgy. Tumana, Marikina City kamakalawa nang gabi.

Kinilala ang limang suspek na sina Myra Esquilona y Pascual, 43; Henrich Esquilona y Pascual, 20; Lorena Reyes y Alarcon, 45; Ruel Abaña y Boado, 27; at Rogelio Camano y Almen, 40, mga residente ng Brgy. Tumana at Malanday sa nasabing lungsod.

Batay sa ulat, isang concerned citizen ang tumawag sa Marikina Police Community Precinct 4 at sinabing mayroong nagaganap na pot session sa Block 68 Palat St., Brgy. Tumana kaya agad na rumesponde ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit bandang alas-6:40 nang gabi.

Naaktuhan ng mga pulis ang nagaganap na pot session ng mga suspek at agad na inaresto ang mga ito. Nahulihan sila ng isang pakete ng hinihinalang shabu at mga paraphernalia sa paggamit ng iligal na droga.

Nakakulong na sila ngayon sa selda ng Marikina Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2001, partikular ang paggamit ng droga.