Abante Tonite Interactive

5-anyos anak pinatay sa natapong bigas

622

Nasawi ang isang batang lalaki na limang taong gulang makaraang bugbugin ng kanyang ama dahil sa natapong bigas sa sahig ng kanilang bahay sa Purok 7, Brgy. Kinamon, Sto. Tomas, Davao del Norte.

Sa imbestigasyon ng Sto. Tomas Municipal Police Station, Lunes nang gabi pa nangyari ang insidente kung saan nakatanggap sila ng report na isang batang lalaki ang namatay dahil sa pambubugbog dito sa naturang lugar.

Agad na rumesponde ang mga alagad ng batas sa Purok 7 at kanilang naaresto ang suspek na si Gilbert Antonio Momo, 32-anyos at isang trabahador.

Sa pag-iimbestiga ng mga pulis, nalaman na pinaglaruan umano ng biktima ang kanilang bigas hanggang sa aksidente itong natapon sa sahig ng bahay nila.
Nalaman ni Momo ang nangyari sa kanilang bigas na labis nitong ikinagalit hanggang sa sinaktan na ang kanyang anak.

Nabatid na bukod sa sampal at bugbog ay pinagsisipa pa umano ni Momo ang anak hanggang mahulog ito sa kanilang hagdan at tuluyang nawalan ng malay.
Doon na isinugod sa health center ang biktima pero dineklara itong dead-on-arrival.

Nabatid na nasa ibang bansa umano ang asawa ng suspek.

Sinampahan na ang suspek ng kasong parricide.