Abante Tonite Interactive

5-anyos dinukot, pinatay ng kapitbahay sa Bulacan

445

Isang 5-anyos na batang babae ang dinukot at pinatay sa pamamagitan ng paghampas ng bato sa kanyang ulo ng lalaking kapitbahay sa San Jose Del Monte City, Bulacan Linggo nang madaling-araw.

Nakuha pang isugod sa Grace Gene­ral Hospital ang biktimang si Princess Angela Langumez pero dineklara itong dead-on-arrival dahil sa grabeng pinsala sa kanyang ulo.

Isang manhunt operation naman ang ikinasa ng pulisya para maaresto ang tumakas na suspek na nakilalang si Eman Lambuhon, 24-anyos, isang construction worker, at residente ng Del Monte Heights, Brgy. Kaypian sa nasabing lungsod.

Base sa ulat ng San Jose Del Monte City Police Station, dakong alas-tres ng madaling-araw nang magising na lamang ang ina ng biktima dahil sa sigaw ng anak at doon nakita ng ginang na tangay ng suspek ang paslit.

Hinabol pa ng nanay ang suspek pero hindi na ito nasundan kung saan dinala ang kanyang anak.

Makalipas ang ilang oras, nakita na lamang ang biktima sa isang bakanteng lote na duguan dahil sa hampas ng bato sa kanyang ulo.

Base pa sa imbestigasyon ni P/SSgt. Gilbert Cuna, sa salaysay na rin ng nanay ng biktima, tatlong beses na umanong tinangkang tangayin ng suspek ang bata nitong mga nakalipas na araw. (Edwin Balasa)