Abante Tonite Interactive

5-anyos naatrasan ng trak sa Cavite

542

Patay ang isang 5-anyos na batang babae habang sugatan ang kanyang tiyuhin at tiyahin nang maatrasan ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang truck sa Trece Martires City, Cavite.

Hindi na umabot nang buhay sa General Emilio Aguinaldo Hospital ang paslit na si Cassandra Felipe Gianan, estudyante. Ginagamot naman ang tiyuhin nitong si Michael Baguiran, 19-anyos, estud­yante at Evelyn Ginan, pawang taga-Block 40, Lot 13, Phase 3, Brgy. Aguado, Trece Martires City, Cavite.

Arestado naman ang suspek na si Dionesio Paradero, 47-anyos, driver ng Fuso truck, ng 6764 Ilang-Ilang St., Tramo, Las Piñas City.

Sa report ni PO1 Gridon Grijaldo ng Trece Martires City Police Station, ala-1:45 ng hapon nang naganap ang insidente sa Phase 1 Road, Brgy. Aguado, Trece Martires City.

Minamaneho ng suspek ang isang Fuso truck (UDX 954) na rehistrado sa Global Express nang mawalan ng kontrol sa manibela at dahil medyo paakyat ang tahak ay naatrasan nito ang pulang motorsiklo ni Baguiran kung saan angkas sina Evelyn at Cassandra.

Isinugod ang tatlo sa nasabing ospital su­balit idineklarang dead-on-arrival si Cassandra.