Abante Tonite Interactive

5-anyos sa Albay patay sa coronavirus

427

Pumanaw ang isang batang babae na person under investigation (PUI) sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos itong isugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Albay Sabado ng umaga.

Ayon kay Dr. Antonio Ludovice, chief ng Albay Provincial Health Office (PHO), isinugod ang 5-anyos na biktima sa nasabing pagamutan nang mahirapan itong huminga at mataas ang lagnat na mga sintomas ng COVID-19 subalit wala pang 24-oras ay namatay na rin ang paslit.

Bago ito nasawi ang paslit, ayon kay Dr. Ludovice ay nakuhanan ito ng swab test sa kanyang lalamunan.

Salaysay pa ng doktor, mayroon na umanong naunang konsultasyon ang biktima sa Philippine Heart Center sa Maynila noong Marso 6 at 8. Naka-schedule na sanang operahan ang bata sa nasabing ospita dahil sa congenital heart disease.

Nabatid pa na mayroon din itong unang konsultasyon sa BRTTH noong Marso 13 dahil sa ubo na niresetahan naman ng antibiotic ng sumuring doktor saka pinauwi.

Napag-alaman din na na-cremate na ang paslit kahapon.

Nagsasagawa na ngayon ng contract tracing ang pamunuan ng local government unit ng Daraga sa mga nakasalamuha ng bata habang pinayuhan na ang pamilya nito na mag-home quarantine dahil sa pangyayari. (Edwin Balasa)

Tonite – Wendys Inhouse Ad