Abante Tonite
Mabilis sa Balita

5 araw na Undas irerekomenda sa IATF

0 64

Pag-aaralan ng Malacañang ang mga alternatibo para sa pagpunta sa mga sementeryo sa Undas habang nananatili ang banta ng COVID-19.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng plano ng pamahalaang lungsod ng Maynila at Mandaluyong City na isara ang mga sementeryo sa panahon ng Undas sa November 1 at 2.

Sinabi ni Roque na imumungkahi niya sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na maglaan ng hanggang limang araw na pagbisita sa mga sementeryo para hindi magdagsaan ang mga tao.

Maaari aniyang gawin ito kahit hindi panahon ng Todos Los Santos para makasigurong hindu makompromiso ang kalusugan ng mga tao sa COVID-19.

“Ang aking mungkahi limang araw na color-coded ang pagdalaw sa sementeryo. Gawin na lang natin na hindi All Saints’ Day,” ani Roque.

Titingnan umano ni Roquw kung ano ang magiging aksiyon ng IATF dahil bahagi na ng tradisyon ng mga Pilipino na gunitain ang kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay tuwing panahon ng Undas.

“Tayo lang po ang may ganyan sa buong daigdig at ito ang tanging araw para alalahanin iyong mga mahal natin sa buhay,” dagdag ni Roque.

Sinabi ng kalihim na importante rin sa kanya ang makapunta sa sementeryo para mabisita ang kanyang mga mahal sa buhay kaya siya mismo ang magmumungkahi sa IATF kung ano ang mas mainam na gawin sa panahon ng Undas habang ang buong bansa ay patuloy na lumalaban sa banta ng COVID-19.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.