Abante Tonite
Mabilis sa Balita

5 bata, 4 bebot sinagip sa putahan

0 120

Pinosasan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang babaeng sinasabing bugaw habang nasagip ang siyam na kababaihan na kinabibilangan ng limang menor de edad sa isinagawang entrapment at rescue operation ng awtoridad, Miyerkoles sa Taytay, Rizal.

Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor ang suspek na si Angelica Ollague.

Nabatid na nakatanggap umano ng impormasyon ang NBI-Rizal District Office (NBI-RIZDO) kaugnay sa human trafficking activity na nagaganap sa mga kalapit na bayan ng Rizal.

Ayon sa impormasyon, ilang bugaw sa lugar ang nagmimintina ng mga prostitute – na karamiha’y mga menor de edad – na dinadala sa mga kalapit na hotel para makipagtalik sa kanilang parokyano kapalit ng pera.

Nagsagawa ang NBI-RIZDO ng surveillance operation, Hulyo 7, at nakumpirma na ibinubugaw ng suspek ang mga babae at menor de edad.

Kaya naman, agad na nagsagawa ng entrapment operation ang pulisya at dinakip si Ollague.

Sinampahan na ang suspek ng mga kasong paglabag sa RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at RA 7610 o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Rizal Provincial Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.