Abante Tonite Interactive

5 binistay, kinatay, binigti

114

Patay ang limang kalalakihan na pawang nadadawit umano sa iligal droga matapos bistayin ng bala, pagsasaksakin at bigtihin ang mga ito ng hindi pa nakikilalang mga suspek kamakalawa sa magkakahiwalay na insidente sa Taguig at Muntinlupa City.

Dead-on-arrival sa Taguig-Pateros District Hospital ang unang biktimang kinilalang si Christopher Alzona, alyas ‘Laduy’, nasa hustong gulang, residente ng Col. Estacio St., Brgy. Palingon, Taguig City.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong ala-1:25 ng madaling-araw nang pagbabarilin sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Alzona ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sunod namang natagpuan ang bangkay ng dalawang lalaki sa Lungsod ng Muntinlupa. Nakilala ang isa sa mga biktima na si Roberto Pangilinan, alyas ‘Bayawak’, 45, ng Phase 3, Block 11, Lot 34, Southville 3, Brgy. Poblacion ng naturang lungsod.

Ayon sa Muntinlupa City Police, alas-5:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ni Pangilinan sa kahabaan ng Biazon Road, Southville 3, Brgy. Poblacion.

Natagpuan ang katawan nitong nakabigti gamit ang kable ng kuryente at nakabalot ang ulo ng sako na naging dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Saksak naman sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ikinamatay ng hindi pa nakikilalang biktima sa parehong lungsod. Natagpuan itong naka-packaging tape ang parehong kamay at paa at nakabalot ng plastic bag ang ulo.

Samantala, natagpuan ang bangkay ni Mohiden Utto, 39, ng Legaspi St. Brgy. Upper Bicutan, Taguig City dakong alas-10:48 ng gabi na nagtamo ng ilang tama ng bala ng baril mula sa hindi pa nakikilalang suspek. Kilala umanong karnaper sa kanilang lugar si Utto.

Ganito rin ang sinapit ng huling hindi pa nakikilalang biktima sa parehong lungsod. Bandang alas-11:00 ng gabi nang matagpuan ang bangkay nito sa Zone 3, Lot 8, Brgy. Fort Bonifacio.

Ayon sa Southern Police District (SPD), ang limang biktima na pinatay ay posibleng sangkot umano sa droga matapos marekober sa bawat isa ang ilang plastic sachet ng hinihinalang shabu.