Abante Tonite Interactive

5 bulagta sa Bulacan drug war

157

Patay ang limang katao na diumano’y mga tulak ng droga habang 16 na iba pa ang naaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa San Jose del Monte City at Norzagaray, Bulacan Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng madaling-araw.

Sa San Jose del Monte City, kinilala ni Bulacan Police Provincial Director Police Col. Lawrence Cajipe ang mga napatay na suspek na sina Chamberlain Domingo, Chadwin Santos, Edmar Aspirin, at isang hindi pa kilalang kasamahan ng mga ito.

Base sa ulat, ikinasa ang buy-bust ng mga tauhan ng San Jose Del Monte City Police at Bulacan Provincial Police Office dakong alas-10:30 ng gabi sa Amihan Road, Brgy. Tungkong Mangga subalit nanlaban umano ang mga suspek at humantong ito sa barilan.

Bukod sa 20 sachet ng hinihinalang shabu, narekober din sa mga suspek ang isang baril na kalibre .22 at motorsiklo.

Samantala, napatay naman sa Norzagaray ang suspek na si Eric Domingo y Castillo, nasa hustong gulang, na nasa drug watchlist umano ng pulisya sa nasabing bayan.

Ayon kay Norzagaray Police chief Major Avelino Protacio, pasado ala-una ng madaling-araw nang kumagat sa buy-bust si Domingo pero nakatunog ito at bumunot ng baril at nanlaban kaya napatay sa palitan ng putok.

Narekober umano sa suspek ang isang baril na kalibre .38, isang pakete ng shabu, iba’t ibang identification card at isang puting Mitsubishi Montero na may plakang WQN 551. (Jun Borlongan/Edwin Balasa)