Abante Tonite
Mabilis sa Balita

5 dedo sa karera ng 2 trak

0 201

Lima katao ang nasawi habang nasa 14 iba pa ang sugatan matapos na mawala sa giya ang isang dump truck at araruhin ang mga kasalubong na sasakyan, Biyernes sa Talisay City, Cebu.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Traffic Bureau ng Talisay City police, base na rin sa salaysay ng mga nakasaksi ng aksidente, nakipagkarera umano ang nasabing dump truck sa isa pang trak dahilan upang mawalan siya ng kontrol dahil sa bilis ng pagpapatakbo at araruhin ang mga kasalubong na mga sasakyan.

Isa sa mga nasawi ang drayber ng naaksidenteng dump truck na si Benchin Udtohan, na namatay habang ginagamot sa ospital, habang apat na iba pa ang namatay na kinabibilangan ng tatlong lalaki at isang babae.

Sa ulat ng pulisya, alas-9:30 ng umaga naganap ang insidente sa kahabaan ng N. Bacalso Avenue, Barangay Lawaan 3 ng lungsod.

Ayon kay P/MSg. Reynaldo Tican, traffic investigator ng Talisay City police, unang nahagip ng trak na minamaneho ni Udtohan ang kasalubong na multicab bago ito sumalpok sa isang Beep public utility vehicle (PUV) at suyurin ang iba pang sasakyan.

Sa kabuuan, dalawang dump truck, anim na four-wheeled vehicle, apat na motorsiklo, isang bisikleta, at isang tricycle ang nadamay sa insidente.

Tatlo sa mga biktima ang idineklarang dead on the spot habang ang dalawa ay namatay naman habang ginagamot sa ospital.

Sa ngayon, walang pang inilalabas ang awtoridad na mga pangalan ng mga sugatan habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente.

Tinitingnan na rin ng pulisya ang mga kuha sa CCTV na nasa paligid ng pinangyarihan ng insidente upang mabatid ang tunay na pangyayari. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.