Abante Tonite Interactive

5 HS student sinaksak sa loob ng eskuwelahan

628

Sugatan ang limang high school student ng Batasan High School matapos umanong magrambulan at saksakin ng kalaro nilang kapwa estudyante sa basketball nang magkapikunan sa loob ng kanilang eskuwelahan sa Quezon City nitong Martes nang hapon.

Batay sa report kay P/Lt. Col. Joel Villanueva, hepe ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), ang nasugatan ay sina Yian Yabut, 15-anyos; Kevin Beray, 16; Ricky Hermoso, 16; Eldrin Umali, 17 at Gabriel Yamos, na pawang isinugod sa East Avenue Medical Center (EAMC).

Ang 15-anyos na estudyanteng suspek (hindi pinangalanan dahil sa menor de edad) ay nasa kostudiya ngayon ng mga awtoridad.

Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang rambulan na humantong sa pananaksak ng suspek sa loob mismo ng Batasan National High School sa Brgy. Batasan Hills dakong alas-singko nang hapon.

Sinabi ni Villanueva na nag­laro umano ng basketball ang mga biktima at suspek sa loob ng kanilang eskuwelahan matapos ang kanilang klase suba­lit nagkapikunan umano ang mga ito at nagrambol. Kumuha umano ng patalim ang huli at hinalihaw ng saksak ang mga kalarong kapwa estudyante. (Dolly Cabreza)