Abante Tonite
Mabilis sa Balita

5 Investor nasimot sa `LAWAY’ na negosyo

0 333

Ni Nancy Carvajal

Nalansag ng National Bureau of Investigation ang pamamayagpag ng isang scam group na laway lang ang puhunan sa Silangang bahagi ng Metro Manila nang madakip ang lider ng mga ito noong Biyernes sa isang entrapment operation.

Nabatid na target ng grupo na biktimahin ay mga misis at maliliit na negosyante na hinihikayat nilang mamuhunan at pinapangakuang kikita ng 30 porsyento kada buwan.

Kinilala ni NBI- Special Action Unit ang naarestong lider na si Marlyn Cadelinia Clava na siyang nanlalansi sa mga biktima na mag-invest sa non-existent business ventures na fishery, coconut farm at fiber glass manufacturing sa Tanay, Rizal.
“Our investigation showed that all the businesses she mentioned to investors to entice them to give their money, were all non -existent. The suspect however, has a small barber shop located in Tanay,
operated by her husband,” ayon kay supervising agent Mark Santiago.

Naaresto ang suspek nang magsampa ng reklamo ang lima nitong biktima. Kinorner ito habang aktong tinatanggap ang pera sa nagkunwaring investor.

Ayon sa mga biktima, naengganyo silang mag-invest sa pag-aakalang magkainteres pa o kikita ang pinaghirapan nilang pera bunsod na rin sa kawalan na ng suweldo ng ilan at pagkalugi naman ng iba sa maliliit nilang negosyo, ngunit hindi nila akalaing magogoyo lamang ang mga ito.

Isa sa mga biktima ay nakapagbigay kay Clava ng halos P2.4 milyon mula nang mag-lockdown noong nakaraang taon. Habang ang iba pang biktima ay nag-abot na rin ng P60,000 sa pag-asang kikita sa pamamagitan ng mataas na interest rate na ipinangako ng scam group.

Nakakulong na ngayon sa NBI detention cell ang suspek at nahaharap sa kasong estafa at fraud.

Leave A Reply

Your email address will not be published.