Abante Tonite Interactive

5 nabagsakan ng bumigay na biga ng building

239

Binawian ng buhay ang isang construction worker samantalang apat ang nasugatan matapos bumigay ang biga ng isang gusali nitong Martes sa Caloocan City.

Sa nakalap na report, ayon na rin kay Larry Castro, officer-in-charge ng Department of Public Safety and Traffic Management ng Caloocan, nangyari ang sakuna habang tinitibag ng limang trabahador ang poste ng gusali ngunit sa kasamaang-palad ay bumagsak ang biga at tinamaan ang mga manggagawa.

Bunga ng insidente’y namatay noon din ang biktima. Mabilis ding itinakbo sa ospital ang tatlo habang ang isa ay nagtamo ng minor injury.

Ang mga biktima ay kinuhang subcontractor ng may-ari ng lote para bakbakin ang natitira pang mga poste ng gusali.

Sa ngayon ayon sa mga awtoridad ay patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon bagama’t lumitaw na may permit naman ang nasabing pagpapatibag ng gusali.