Abante Tonite Interactive

5 nag-buffet SA GUEVARRA’S tinamaan ng cholera

By
398

Naospital ang isang pamilya na binubuo ng limang katao matapos nilang kumain sa Chef Laudico Guevarra’s na matatagpuan sa P. Guevarra corner Argonne St., Brgy. Addition Hills, San Juan City noong Agosto 19.

Ayon kay Karessa Mae Bulay Limpot, lima silang naghapunan sa Guevarra’s buffet resto at halos lahat sila ay naospital, bumigay pa ang kidney o bato ng da­lawa sa kanila.

“Hindi po ito basta-basta sakit lang ng tiyan,” sabi ni Limpot dahil dalawang beses umanong nag-dialysis ang kanyang ama at bumigay din ang kidney ng kapatid niyang babae.

Ang sabi diumano sa kanila ng mga doktor na tumingin sa kanila sa St. Luke’s Medical Center, ang kidney failure ay dahil sa “severe dehydration secondary to acute gastroenteritis” at halos lahat sila ay positibo sa vibrio cholera. Ang tatay nila ay nasa progressive care unit pa rin ng St. Luke’s noong Agosto 23.

Ayon sa Center for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos, ang diarrhea, pagsusuka, mabilis na tibok ng puso, low blood pressure at muscle cramp ay ilan lamang sa mga sintomas ng cholera.

Sa mga malalang kaso, umaabot ito sa renal failure o ang hindi pag-function ng kidney o bato. At kapag hindi naagapan, aabot ito sa shock at maaaring mamatay ang biktima.

Tinanong ng Abante TONITE ang pamunuan ng Gueverra’s tungkol sa mga nagkasakit pagkatapos kumain sa kanila noong Agosto 19.
“We are aware of the certain complaints of food contamination at our restaurant and currently conducting an investigation on the issue,” sabi sa pahayag ng Guevarra’s.

Dagdag pa nito, sineseryoso nila ito dahil committed sila sa pinakamataas na standard ng pagkain at serbisyo at nakikipag-ugna­yan na sila sa mga biktima para maayos ito.

Sabi ni Limpot, Agosto 30 lang nakipag-ugna­yan sa kanila ang Gueverra’s at ‘false assurances’ lang ang ibinigay nito.
Aniya, ipinost lang niya ang pangyayari para malaman ng iba. Dinededma lang sila ng Guevarra’s at kung hindi pa siya nag-post sa Facebook, hindi sila mapapansin.

Payo niya sa mga kakain sa Guevarra’s sa San Juan, “eat at your own risk na lang”.

Samantala, iniutos na ni San Juan City Mayor Guia Gomez na imbestigahan ang insidente.

Inatasan nito sina City Health Office chief Jesus Esteban at City Environment and Natural Resources Office head Dante Santiago na inspeksyunin ang pagkain at pasilidad ng restoran na pag-aari ni Chef ­Roland Laudico.

Nakarating ang insidente kay Gomez base na rin sa Facebook post ni Limpot.

Ayon kay Gomez, wala pang reklamong natatanggap ang San Juan Police tungkol dito, base kay police chief Sr. Supt. Dindo Reyes.