Abante Tonite
Mabilis sa Balita

5 PCSO exec nagbitiw sa P6.5B lotto bidding

0 126

Sabay-sabay na nagbitiw umano sa kanilang puwesto ang limang miyembro ng Philippine Charity Sweepstakes Office-Special Bids and Awards Committee (PCSO-SBAC) dahil sa pagtanggi diumano na gawin ang hindi naaayon sa procurement law at mga regulasyon na may kinalaman sa P6.5 billion nationwide lotto system lease contract.

Nabatid na nagsumite umano ng kanilang “irrevocable resignation” na epektibo kaagad ang mga miyembro ng SBAC na kinilalang sina Josefina Sarsonas-Aguas, Atty. Raymond Samarita, Engr. Ariel de Ocampo, Engr. Omar Bagul at Atty. Leah Christine Jimenez.

Layon umano ng kanilang pagbibitiw na tiyaking mananatili ang “continuity, transparency, and integrity” ng mga procurement activity para sa 2021 PSCO Lottery Project (SBAC) Contract No. 2021-01).

Bukod sa nais din umano nilang magkaroon ng parehas na Bids and Awards Committee.

Nag-ugat umano ang pagbibitiw sa puwesto ng mga nabanggit na opisyal sa desisyon ng PCSO na pagbigyan ang second protest na isinampa ng joint venture ng Philippine United Technic Corporation, Digi-Specs I.T. Corporation at Genlot Game Technology Co. Ltd. o kilala bilang JV Genlot. Dahil dito ay nabaligtad umano ang naunang desisyon na ma-disqualified ang kompanya sa pagsali sa bidding para sa P6.5 billion nationwide lotto system lease contract.

Napag-alaman na sa isinagawang bid opening noong Abril 21, 2021 ay na-disqualify ang JV Genlot sa bidding procedure dahil paso na umano ang Mayor’s permit na isinumite ng Philippine United Technic Corporation at ang pagkabigo nilang maisama ang English translation para sa supporting eligibility document para sa Single Largest Completed Contract (SLCC) requirement.

Ang Genlot ay solong pag-aari at sangay umano ng Telling Telecommunication Holding Co., Ltd., na siya namang nagsu-supply ng mobile phones sa China Mobile at China Unicorn.

Nabatid pa na naghain umano ng Request for Reconsideration sa PCSO SBAC ang JV Genlot subalit tinanggihan ito noong nakaraang Hunyo 9, 2021.

Subalit sa pulong na ginawa noong Hunyo 23, 2021, ang mga opisyal ng Government Procurement Policy Board (GPPB) ay binago umano ang desisyon at ipinaliwanag sa PCSO na ang ang pagsusumite ng expired na mayor’s permit ay hindi dahilan upang ma-disqualify sa bidding.

Dagdag pa ng GPBB na ang lahat umano ng dokumento na isinulat sa ibang lengguwahe ng walang English translation ay hindi sapat para pagbasehan ng requirements ng Republic Act No. 9184 O Government Procurement Reform Act at ang batas na ito hindi mababago ng PCSO Manual of Corporate Governance.

Sinikap mahingan ng panig ang isang opisyal ng PCSO hinggil dito subalit nabigo ang pagtatangka na makuhanan ng pahayag sa isyu.

Leave A Reply

Your email address will not be published.