Abante Tonite Interactive

5 pulis sa patrol car sumalpok sa uga ng lindol

242

Sugatan ang limang pulis na nakatalaga sa Calauag Municipal Station makaraang maaksidente ang kanilang sinasakyang police mobile at sumalpok sa isang pampasadang jeep nang makadama ng pagkahilo sanhi ng paggalaw ng lupa dahil sa lindol sa Maharlika Highway sa Barangay Calumanguin, Quezon, Biyernes nang hapon.

Ayon sa report ng Gumaca Municipal Police, agad na rumesponde ang rescue team ng Bureau of Fire Protection ng Plaridel at agad dinala sa ospital ng Gumaca matapos bumangga ang sinasakyang mobile sa municipal boundary ng Gumaca at Plaridel.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Gumaca Municipal Police, nahilo raw ang driver ng patrol car na si P/Cpl. Eric Gregy Estrella dahil sa naramdamang paglindol na tumama naman sa Burdeos, Quezon kaya nahagip nito ang kasalubong na jeep na minamaneho ni Jervin Garcia Solis bago bumangga sa nakaparadang truck na minamaneho ni Arjay Llorente na nasa tabi ng kalsada.

Nabatid na hindi na kinasuhan ng reckless imprudence resulting in damage to properties ang driver ng police mobile – ito ay dahil pumayag ang driver ng jeep at truck na makipag-areglo na lamang. (Vick Aquino)