Abante Tonite
Mabilis sa Balita

5 sa PDEA kinasuhan ng illegal arrest

0 124

BINALIGTAD ng korte ang sitwasyon sa limang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency nang sila na ang sampahan ng kaso kaugnay sa natuklasang pekeng detalye sa nangyaring buy-bust operation sa Dumaguete City.

Sa kanyang kautusan, sinabi ni Presiding Judge Amelia Lourdes Mendoza, ng Regional Trial Court ng Negros Oriental Branch 34 na mali ang tinuran ng mga ito.

Sa 15-pahinang kautusan, ibinunyag kung paano inaresto ang mga suspek na sina Richard “Enol” Torres, Shinette Sarabia, Gabriel Aranas, Gwendell Ozoa, at Katrina Tish Dabao, na sinasabing ibang-iba sa tinahing kwento ng PDEA operatives.

Ito ay base na rin sa mga lumabas na CCTV footage.

Sabi ng PDEA, nagsagawa sila ng entrapment operation sa bahay ni Torres sa Barangay Looc noong Hunyo 28 nang makakuha ng impormasyon sa nangyaring iligal na transakyon.

Sinabi nina PDEA Intelligence Officers May Ann Carmelo, Jose Anthony Juanites, at Cheryl Mae Villaver na naka-assign sa kaso na si Villaver ay nagsilbing poseur buyer.

Pero sa CCTV, si Torres ay naglalakad pauwi noon nang sapilitang pasakayin sa itim SUV.

Sumakay din sina Dabao at Ozoa nang harangan ng motorsiklo at isa pang sasakyan. Napilitan na rin sumama si Aranas.

“It was made to appear that this was the place of their actual arrest,” sinabi ng korte dahil umikot muna ito bago nagpunta sa bahay ni Torres.

“This court shall not shirk from this immense responsibility of protecting not only the individual rights of the accused in these cases, but more importantly, in ensuring that individual liberties are never sacrificed on account of expediency and efficacy of the war on drugs,” sinabi ni Mendoza.

Pinakawalan ang mga suspek saka kinasuhan sina Carmelo, Juanites, at Villaver, maging ang intelligence officers na sina Nelson Muchuelas at Realyn Pinpin. Nakatakda ang hearing sa November 13. (Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.