Abante Tonite Interactive

5 senior high school student dinakma sa marijuana

By
272

Limang estudyante sa senior high school ang naaresto dahil sa marijuana, sa magkahiwalay pero halos magkasunod lang na insidente sa Maynila at Valenzuela City kahapon ng umaga.

Unang nadakma dakong alas-singko ng umaga sa anti-illegal drugs operation ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 6 ang tatlong suspek na kinilala ni Chief Inspector Dionelle Brannon na sina Ignacio Maestrescampo, 18; Christopher Kaile Tirhan, 18; at Topic Jorge Verzosa, 18, pawang mga taga-Sta. Ana, Maynila.

Bandang alas-singko ng umaga nang sitahin umano ang mga suspek sa Eloriaga St., Barangay 779 sa Sta. Ana at nang kapkapan ay nahulihan ng isang glass tube na may laman na “fruiting tops” at marijuana.

Nabatid na nasa Grade 12 ang tatlong suspek na ipaghaharap ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, bandang alas-siyete ng umaga nang mahulihan din ng marijuana dalawang binatilyong mag-aaral ng Grade 8 sa loob ng silid-aralan ng Maysan National High School sa Valenzuela City.

Unang dinala sa Principal’s Office ang hindi na pinangalanang mga estudyante dahil menor de edad, bago idinire­tso sa City Welfare and ­Development Office.

Ayon sa ulat, nag­lilinis ng silid-aralan ang utility worker na si Bernardo Plete nang pumasok ang dalawang estudyante na parehong may hawak na papel at palinga-linga pero hindi nila napansin si Plete.

Palihim na sinundan ni Plete ang dalawa at nahuli sila sa akto na binibilot sa rolling paper ang pinatu­yong dahon ng marijuana.