Abante Tonite Interactive

5 tanod tinimbog sa sinalvage na masahista

331

Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang lalaking masahista na natagpuang patay sa isang bakanteng lote sa Barangay Muntingpulo, Lipa City, Batangas noong Martes nang umaga.

Nakagapos sa likuran ang mga kamay at tadtad ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang matagpuan sa masukal na lote ang biktimang si Patrick Jones Nadera, 33, tubong bayan ng Taal, nakatira sa isang dorm sa Brgy. Sabang, Lipa at nagtatrabaho bilang masahista sa isang spa.

Nakilala lamang ng pulisya ang salvage victim noong Miyerkoles matapos itong matunton ng kanyang mga kaanak sa pinagdalhang punerarya sa Lipa.

Sa imbestigasyon ng Lipa City police, pinahirapan muna at pinatay sa ibang lugar bago itinapon ang bangkay ng biktima.

Sa follow-up operation ng Lipa City police, inaresto nitong Huwebes ang limang barangay tanod ng Brgy. Sabang na umano ay sangkot sa krimen.

Nakumpiska rin sa mga ito ang baril na umano ay siyang ginamit sa pagpatay at ang Suzuki multi cab na pag-aari ng barangay na siyang pinagkargahan sa biktima.

Nasabit ang mga tanod matapos na malamang sila ang mga naka-duty noong gabi na patayin ang biktima at makilala na ang kulay gray na barangay patrol vehicle ang ginamit sa pagtatapon sa bangkay. (Ronilo Dagos)