Abante Tonite Interactive

5 todas, 33 sugatan Balasubas Na Truck Driver Sumalpok Sa Bus

341

Lima ang patay habang 33 ang sugatan sa salpukan ng pampasaherong bus at aluminum truck sa Pagbilao, Quezon Sabado ng hapon.

Ayon kay Police Col. Audie Madrideo, director ng Quezon police, bumangga ang truck na minamaneho ni Sander Soliveres sa kasalubong na CUL bus habang tinatahak ang Pagbilao-Atimonan diversion road sakop ng Brgy. Silangang Malicboy alas-4:30 ng hapon.

Pawang pasahero umano ng bus na minamaneho ni Reynaldo Samilo ang mga namatay sa banggaan.

Ayon pa kay Madrideo, 33 pa ang nasugatan kabilang ang driver ng bus at ang mga sakay ng truck.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinakop umano ng truck ang linya ng kasalubong kaya bumangga ito sa kaliwang bahagi ng bus.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pangalan ng mga nasawi habang dinala na sa iba’t ibang pagamutan sa Lucena City at Pagbilao ang mga nasugatan. (Ronilo Dagos/Vick Aquino)