Abante Tonite Interactive

50-50 hatian ng ari-arian

By
3,856

Dear Atty. Claire

Magandang buhay po. Ako po ay may problema tungkol sa lupa at bahay na nabili namin. ‘Yung nagbenta po sa amin ng lupa ay balo na at ‘yung napangasawa niya nitong huli ay balo rin… so, nakasal sila. Ngayon po nakapundar sila ng bahay at lupa tapos ngayon namatay na ‘yung asawa niya na lalake.

Wala po sila naging anak… ibinenta po sa amin nu’ng asawang babae ang bahay at lupa. Ngayon po ay may naghahabol na anak sa una ng lalaki. Tanong ko lang po, may habol ba sila kahit naipundar nilang mag-asawa ito at kasal naman sila?

Salamat po

Ruben

***

Dear Mr. Ruben,

Opo, ang mga anak sa una ng lalaki ay kanya rin pong nakapagmana at hindi lamang po ang asawang huli ang may karapatan sa ari-ariang naiwan ng asawa niyang lalaki. Ang magiging hatian nilang mag-asawa ay 50-50 dahil naipundar nila ito nang sila ay kasal na. Ang 50% share ng lalaki ay hahatiin nang pantay-pantay ng mga naiwang tagapagmana at kasama rito ang asawa at lahat ng anak ng lalaki.

Kung naibenta lamang po ang bahay at lupa ng babaeng asawa nang walang pirma ang mga anak ng lalaki ay may habol po sila sa kanilang share sa mana.

Mas maganda po na makipag-usap kayo sa mga nagbenta sa inyo at sabihin na ibigay ang share ng mga naiwang anak sa halagang napagbentahan. Kapag hindi po nagkasundo ang mga anak at ang asawa ng lalaki ay kayo po ang magdurusa dahil baka mapawalang-bisa ang bentahan o kaya ay pagbayarin kayong muli para maibigay na lamang ang katumbas na halaga ng share nila.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 4107624 o 922 0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com