Abante Tonite Interactive

50 baboy naglutangan sa Marikina River

286

Tinatayang nasa 50 mga patay na baboy ang nakitang naglulutangan mula sa Marikina River na siya ngayong pinangangambahan ng mga residente.

Ayon sa report ng Marikina Veterinary Office, 36 na patay na baboy na ang kanilang nakuha na kung saan nasa 10 ang nakuha sa Brgy. Nangka, dalawa sa Brgy. Tumana, 24 lumulutang sa ilog na sakop ng Barangay Kalumpang.

Nasa 36 patay na mga inahing baboy at biik ang nakuha at sabay-sabay na inilibing sa isang bakanteng lote malapit sa ilog.

Ayon sa mga residente, mula nang nag-uulan ay nakakakita na sila ng mga lumulutang na baboy sa ilog habang ang ilan naman ay nakita sa malapit sa basurahan.

Nilinaw naman ni Marikina Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro na walang babuyan sa kanyang nasasakupan na posibleng mula ito sa Rizal area na mataas ang lugar at inanod sa Marikina River at hindi pa tiyak kung saan ito nanggaling.

Kasabay nito, inilibing ang mga narekober na patay na baboy sa malalim na hukay sabay paglalagay ng disinfectant sa mga lugar na pinagdaaan ng back hoe na naghukay at nagbaon sa mga baboy. (Vick Aquino)