Abante Tonite Interactive

50 nabiktima ng ‘sangla-tira’ sa Tondo

214

Nakatangay ng tinatayang P10 milyon sa 50 kataong nabiktima ang isang lalaking sangkot sa modus operandi na ‘sangla-tira’ sa Tondo, Maynila.

Pinaghahanap ngayon ng National­ Bureau of Investigation (NBI), ang suspek na si Richard Abela na sinasabing may pakana ng sangla-tira modus operandi.

Nalaman na patok ang sangla-tira scheme sa mga pinauupahang kuwarto o ‘di kaya ay sa buong bahay lalo na sa Tondo depende sa usapan kung gaano katagal ang sangla-tira.

Maayos umano sa usapan na may matitirhan kang bahay at tutubo pa ang pera.

Maari ding dumoble ang tubo sa maikling panahon kung mapapaupahan ang bahay sa ilalim ng sangla-tira.

Nabatid na lahat halos ng biktima ay naengganyo sa pinost ni Abela na ‘Sangla-Tira Tondo’ sa Facebook.

Isa umano sa nasilo ay nagbayad ng P200,000 noong Setyembre 20 para rentahan ang dalawang kuwarto sa loob ng 3-taon.

Hindi umano sila nakatira sa mga kuwartong isinailalim sa sangla-tira dahil sinabihan umano sila ni Abela na maghintay pa ng 1-buwan hanggang makaalis ang nangungupahan na naghahanap na ng bahay.

Muling inulit ni Abela ang pa­ngako noong Oktubre at nangakong ibabalik ang P200K at patutubuan na lamang ng P50,000.

Gayunma’y talbog ang tseke na ibinayad nito sa kanila dahilan para magreklamo sa NBI.

Hindi na rin nila matawagan o makita si Abela hanggang sa madiskubreng hindi lamang sila ang nabiktima nito kundi may iba pa. (Juliet de Loza-Cudia)