Abante Tonite Interactive

50 pupil nalason sa spaghetti Sumuka, nagtae sa Christmas party

221

Sabay-sabay na isinugod sa pagamutan ang tinatayang 50 estudyante ng Grade 1 dahil sa pagsusuka, pagkahilo at pagtatae matapos makakain ng kanilang handang spaghetti sa Christmas Party, Huwebes ng umaga sa Bago City, Negros Occidental.

Sa report ng ­Local Disaster Risk Reduction Management Office ng Bogo City, nakaramdam ang ilan sa mga Grade 1 student ng Maao Elementary School ng panghihina dulot ng pagsusuka at pagtatae na sintomas ng food poisoning.

Ayon naman kay Principal Roberto Angay, 49-anyos, posibleng dahil sa inihaing spaghetti na kinain ng mga estudyante ang sanhi ng food poisoning kung saan nagbayad ang mga mag-aaral ng tig-P100 para sa spaghetti, fried chicken at kanin.

Tiniyak naman ng may-ari ng catering service na magbibigay ito ng tulong pinansyal sa mga naapektuhang estudyante.

Ilan sa mga mag-aaral ay dinala sa clinic ng barangay habang ang ilan ay inilipat na sa Bago City Hospital.

Kaagad namang kumuha ng sample ng spaghetti ang Bago City Health Office upang isailalim sa laboratory test.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng City Health Office ng Bago kaugnay ng insidente. (Vick Aquino)