Abante Tonite Interactive

50 sentimo dagdag presyo ng itlog sa Metro Manila

0 212

Unti-unti nang nagmamahal ang presyo ng itlog nitong mga nakaraang linggo.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nagmahal ng 25 hanggang 50 sentimo ang isang itlog noong pangalawang linggo ng Agosto kumpara sa unang linggo ng natu­rang buwan.

Sa Batangas City, 35 sentimo ang tinaas sa presyo ng itlog samantalang 25 sentimo naman ang tinaas sa San Fernando City.

Sa unang dalawang linggo ng Agosto, wala pang naitalang pagmahal ng presyo ng itlog sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila. Gayunman, sa huling linggo ng Agosto ay nagmahal na rin umano ang presyo ng itlog ng 50 sentimo sa Metro Manila dahil wala naman itong sariling produksyon ng itlog at kumukuha lang sa malalapit na mga lalawigan sa Central Luzon at Southern Luzon tulad ng Bulacan, Pampanga, Batangas, at Laguna.

Pinakamalaki naman ang minahal ng itlog sa Kidapawan City kung saan 50 sentimo ang itinaas ng presyo noong unang dalawang linggo ng Agosto.

Ayon pa sa monitoring ng PSA, nagmahal na rin ang itlog sa Baguio City ng 47 sentimo pati na sa Tacloban City kung saan nagmahal na ito ng 50 sentimo.

Ang itlog ay isa sa pinakamurang mapagkukuhanan ng protina na kaila­ngan ng katawan para sa mga muscle at repair ng mga nasirang cell.

Itlog rin ang isa sa mga mahaha­lagang sangkap ng mga cake at ilang mga tinapay, at ito rin ang pangunahing sangkap sa pagluto ng leche flan na isa sa mga sikat na panghimagas sa bansa. (Eileen Mencias)