Abante Tonite Interactive

500 Pinoy sa cruise ship uuwi sa Linggo

298

Uuwi na sa Pilipinas ang may 500 Pinoy na sakay ng cruise ship na Diamond Princess na naka­daong sa Yokohama, Japan sa Linggo sa Pebrero 23.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, ang mga Pilipino na uuwi ay isasailalim muna sa 14 na araw na quarantine sa New Clark City para matiyak kung nahawaan sila ng 2019 coronavirus disease(COVID-19).

Ayon kay Duque, darating sa Haribon Hangar ng Clark Air Base sakay ng dalawang eroplano ang mga papauwiing Pilipino saka isasailalim sa quarantine sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

“I think the Japanese Government has already decided that they’ll close down the ship. This is not for sure yet… but we have to bring them out as soon as possible,” ayon sa kalihim.

Nabatid na may 16 na pagamutan sa bansa ang nagboluntaryong magpadala ng 10 team kada isa upang tumulong sa quarantine ng nasa 500 na Pilipinong uuwi.

Nalaman na sa may 3,711 na sakay ng Diamond Princess, 538 ang mga Pilipino — 531 ang crew member at pito ang pasahero.

Hindi pa rin umano pinal kung lahat sa 538 na Pilipino ang mapapauwi dahil napagdesisyunan ng iba na manatili muna sa cruise ship.

Kaugnay nito, hindi naman papauwiin ang mga Pilipinong sakay ng cruise ship na nakitaan ng mga sintomas ng COVID-19 dahil kailangan munang sumailalim ang mga ito sa monitoring o gamutan sa ospital sa Japan.

Gayunman, nakahanda ang gobyerno na pauwiin ang mga Pilipinong nagpositibo sa virus at mga nagpakita ng sintomas ng COVID-19 kapag gumaling na sila.

Sasagutin naman ng A. Magsaysay Inc. ang halaga ng accommodation, pagkain at iba pang gastusin ng mga uuwing Pilipino. (Juliet de Loza-Cudia)