Abante Tonite Interactive

5,000 na-deactivate na mga Grab driver puwede ulit mag-apply

212

By Juliet de Loza-Cudia

Hinimok ng ride-hailing service Grab Philippines ang 5,000 sa kanilang mga driver­-partner na na-deactivate ang pansamantalang prangkisa na samantalahin ang 10,000 bagong transport network vehicle services (TNVS) slots.

Sinabi ng Grab na 10,000 ang bagong slots na binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa TNVS.

Ipinaliwanag ni Grab Philippines spokesperson Nicka Hosaka na 3,000 TNVS sa kabuuang 8,000 TNVS na nakatakdang madeactivate noong isang linggo ay hindi natuloy dahil sa nakapagsumite sila ng kaukulang mga documentation.

“Sana itong 5,000 they took advantage of 10,000 new slots… We’re hoping na itong mga walang prangkisa sila po ay nakapag-sign up para naman magkaroon na sila ng proper documentation,” sabi ni Hosaka.

Sa kasalukuyan ay aabot sa 45,000 ang aktibong TNVS sa ilalim ng Grab Philippines.

Kapag nabuksan ang dagdag na 10,000 slots ay maaabot na ng LTFR­B ang kanilang target na 65,000 TNVS cap para taong ito.

Ipinaliwanag rin ng Grab na mula noong Enero ay umabot na sa 15,000 TNVS ang kanilang nadeactivate dahil sa ilang mga kaso at kabiguang magsumite ng kaukulang documentation.

Inamin rin ng Grab na pangunahing resulta ng mabagal na pag-book ng mga pasahero ay ang kakulangan ng mga sasakyan mula sa kanilang hanay.