Abante Tonite Interactive

500K dusa sa pagsabog ng Taal

366

Nasa kalahating milyong katao na ang apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal simula nang magpakita ito ng abnormal na aktibidad noong Linggo, Enero 12.

Patuloy ang evacuation ng mga residenteng malapit sa Bulkang Taal patungo sa mas ligtas na lugar o mga karatig lalawigan.

“Siguro nasa 20% ang nandoon sa mga evacuation center. Dito very strong ‘yung aming family ties kaya nag-i-evacuate sila una munang pinupuntuhan ay ‘yung kanilang mga kamag-anak,” pahayag ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas.

Wala na rin aniyang residente na nasa isla ng Bulkang Taal bago pa man ito pumutok kaya naiwasan ang casualty.

Napilitan na rin umano na lumikas ang mga residente na malapit sa lawa ng Taal makaraang mapuna ang pag-urong ng tubig mula sa pampang.

Ayon sa ilang nakatira rito, ganito rin ang nangyari bago ang pagsabog ng bulkan noong Linggo.

Bukod dito, una nang nagkaroon ng mga bitak sa lupa sa ilang lugar sa Batangas na senyales umano na may magaganap pang mapanganib na pagputok ng bulkan. Sa ngayon ay nana­natili sa Alert Level 4 ang Bulkang Taal na nangangahulugan na posibleng maganap ang pagsabog sa loob ng susunod na oras o mga araw.

Price freeze sa N95 mask, mga gamot Inilagay na sa price freeze ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo ng N95 mask at mga pa­ngunahing gamot partikular sa sakit ng ulo, lagnat, sipon at ubo kasama na rin ang ilang maintenance drug.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na awtomatikong iiral ang price freeze sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity.

Bukod dito, naglabas aniya ang Department of Health (DOH) ng memorandum na nagbabawal itaas ang pres­yo ng mga pangunahing gamot at mga medical supply.

Mahigpit aniya silang magmo-mo­nitor sa presyo ng mga produktong sakop ng price freeze at nakipag-ugna­yan na rin sila sa mga supplier at retailer para matiyak na walang paggalaw sa presyo ng kanilang mga medical supply.
Kapag lumagpas sa price range ang presyo ng N95, maaari aniyang kasuhan ang mga may-ari ng establisimyentong nagbebenta nito.

Nabatid na magiging epektibo ang price freeze sa buong panahon ng sitwasyon sa Bulkang Taal maliban na lamang kung aalisin ito kaagad ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte

Cavite state of calamity na rin Dineklara na kahapon ang state of calamity sa buong lalawigan ng Cavite matapos itong aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan sa isang special session dahil sa pagsabog ng Bulkang Taal noong Linggo.

Sinabi ni Cavite Governor Jonvic Remulla na ang pagdedeklara ng state of calamity sa buong lalawigan ay upang matulungan ang ibang mga nagsilikas sa kanilang mga tahanan na kasalukuyan nang nasa mga evacuation center.
Nauna nang nagdeklara ang Batangas ng state of calamity noong Enero 13 bago sumunod ang Cavite na isa sa mga karatig lalawigan na sinalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal.

7 milyong estudyante walang klase Umaabot sa 7,094,165 mag-aaral mula sa mga apektadong 7,542 private at public school ang walang pasok dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Batay sa report ng Department of Education (DepEd), kabilang dito ang mga mag-aaral sa apat na rehiyon – Metro Manila, Region 3, Region 4-A (Calabarzon) at Region 4-B kung saan hindi muna pinapapasok ang mga estudyante dahil sa pagbuga ng ashfall at pangambang pagsabog ng bulkan.

Nilinaw naman ng DepEd na naka-deploy na ang kanilang Disaster Risk Reduction And Management Service (DRRMS) staff para ma-monitor ang sitwasyon at magbigay ng update sa nagaganap sa pagsabog ng bulkang Taal.

Kabilang na dito ang paghahanda sa mga apektadong rehiyon at division at ang mga gagamiting iba pang paaralan para gawing mga evacuation center at pagdedeklara ng class suspension sa ilang paaralan. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia/Gene Adsuara/Vick Aquino)