Abante Tonite Interactive

51 Chinese prosti dinakma sa chinese sex den

578

Limampu’t isang babaeng Chinese na nagtatrabaho bilang mga sex worker ang dinampot sa isinagawang raid ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) at Parañaque City Police sa isang gusali na ginagawang sex den ng isang Chinese human trafficking syndicate nitong Miyerkoles nang gabi sa Parañaque City.

Sa report ng Parañaque City Police, alas-11:45 ng gabi nang salakayin ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit (RSOU) ang Manila Wellness Spa na nasa ikatlong palapag ng Diamond Bay Tower sa Roxas Boulevard sa Brgy. Baclaran, ng naturang lungsod.

Kasama sa pagsalakay ang Pamahalaang Lungsod ng Parañaque sa pangunguna ni Mayor Edwin Olivarez at ng Bureau of Immigration-Fugitive Section.

Dito’y naaktuhan ng mga pulis ang mga lalaking Chinese national na kustomer at mga babaeng Chinese na binabayaran sa panandaliang-aliw.

Kabilang rin sa mga nadakip ang 9 lalaking Chinese at apat na babaeng Tsino, na tumatayong maintainer, 18 Chinese customer.

May pito ring Pilipina na nagsisilbing housekeeper ang naaktuhan sa lugar na magsisilbing mga saksi laban sa sindikato.

Sa kabuuan ay nasa 51 babaeng Tsino ang nadakma sa raid.

Ayon kay NCRPO Director P/Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang operasyon ay may kaugnayan sa unang sinalakay na sex den sa Brgy. San Antonio sa Makati City nitong Setyembre 4.

Isinasagawa umano ang transaksyon sa pamamagitan ng mobile application na ‘We Chat’ na ginagamit sa booking ng sindikato.

Nabatid na nagkakahalaga ang sex service mula P9,000 hanggang P21,000 kung saan sa 37 kuwarto at pitong VIP room ginagawa ang pagtatalik.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa P1.8 milyong halaga ng cash. ­(Armida Rico/PNA)