Abante Tonite Interactive

51M shabu inanod sa Northern Samar

0 160

Umaabot sa pito at kalahating kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P51 milyon ang isinuko ng mga mangingisda matapos na makuha nila ang bultong iligal na droga sa dalampasigang sakop ng Sitio Pagul, Barangay Pio del Pilar sa Biri, Northern Samar Sabado nang hapon.

Ayon kay Police Regional Office 8 director P/BGen. Dionardo Carlos, nakuha ng mga mangingisda ang mga shabu na nakalagay sa tatlong selyadong malalaking plastic bag na naglalaman ng tig-dalawang kilo kada isa.

Isang bukas na plastic bag pa ang kanilang natagpuan na naglalaman ng isa at kalahating kilo ng shabu.

Dahil sa pangyayari ay mahigpit na ipinag-utos ni Carlos sa kanyang mga tauhan ang mahigpit na pagbabantay sa mga dalampasigan at karagatang nasasakupan.

Matatandaang nitong mga nakaraang buwan ay kilo-kilong cocaine naman ang nakuha sa iba’t ibang karagatan sa Pilipinas.

Pero sinabi ni Carlos na mas lalong nakakabahala ang pagkakatagpo ng kilo-kilong shabu dahil nakalaan talaga na panggamit ng mga Pinoy na lulong sa iligal na droga. Hindi aniya ito katulad ng cocaine na maliit lang ang bilang ng mga Pinoy user.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung saan galing ang natagpuang P51 milyong­ halaga ng shabu sa dalampasigan sa Northern Samar. ­(Edwin Balasa)